Talumpati ni Sec. Judy M. Taguiwalo sa NCCP Conference on Yolanda Response
Nobyembre 7, 2016
Magandang umaga sa inyong lahat na narito para makiisa, makilahok at mag-ambag sa NCCP Conference on Yolanda Response. Pagpupugay sa inyong buong pusong pag-aalay ng panahon, rekurso at talino para sa mga kababayan nating nasalanta ng super typhoon Yolanda.
Tatlong taon na ang nakaraan nang manalasa ang bagyong Yolanda, ang isa sa pinakamalakas at pinakamapaminsalang bagyong tumama sa ating kalupaan.
Napakalaking pinsala ang idinulot ng pananalasa nito sa siyam na rehiyon ng bansa lalo na sa mga matatagpuan sa Eastern, Western at Central Visayas. Tinatayang aabot sa P95.4B ang halaga ng napinsala, kabilang na ang pinsala sa agrikultura. Tinatayang 16 milyon ang apektadong indibidwal, mahigit isang milyon ang nawasak na tirahan. May 6,300 indibidwal ang naiulat na namatay at 1,062 pa ang nawawala.
Malaki ang pinsala, matindi ang epekto ng Yolanda sa buhay ng mga survivors. Ngunit ang epekto nito ay dumaloy sa kamalayan at kumatok sa puso ng bawat indibidwal na naniniwala sa kahalagahan ng pakikipag kapwa-tao, sa loob man o labas ng bansa.
Ilang araw makalipas ang kalamidad, napuno ang social media pati na ang mainstream media ng mga mensahe at kwento ng pakikiisa, nag-alay ang marami ng panalangin para sa mga nasalanta, umapaw ang tulong/donasyong materyal at/o pinansyal mula loob at labas ng bansa, at dumagsa ang mga volunteer na handang maglaan ng lakas, talino at panahon para sa relief operations, rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga nawasak na komunidad.
Kasabay nito, tumampok rin sa loob at labas ng bansa ang kabagalan sa relief distribution operations para sa mga nasalanta na lalong nagpatindi ng galit ng mamamayan sa mga panahong iyon.
At sa paglipas ng mga buwan at taon, umalingasaw ang mapait na katotohanang marami pa rin sa mga survivor ng Yolanda ang hirap o hindi makarekober o makabangon mula sa trahedya dahil hindi sila nakatanggap ng kinakailangang tulong mula sa pamahalaan.
Mula nang i-anunsyo ni Pangulong Duterte ang pagtatalaga sa akin bilang bagong kalihim ng DSWD, marami ang lumapit at nagpaabot sa akin ng kanilang reklamo sa DSWD kaugnay ng relief, recovery at rehabilitation programs ng ahensya para sa mga survivors ng Yolanda ang aking natanggap.
Batay sa mga reklamo, marami sa mga survivors ng Yolanda ang tila napagkaitan ng kinakailangang tulong mula sa ahensya. Ito ay sa kabila ng P1,165,797,345.13 na halaga ng natanggap na donasyon ng DSWD mula sa loob at labas ng bansa mula Nobyembre 11, 2013 hanggang Hunyo 30, 2016.
Dahil dito, nagpasya ako na pulungin ang aming mga Field Offices at alamin ang kalagayan at mga pangyayari. Kinausap rin namin ang mga indibidwal at organisasyong nagpaabot ng reklamo para malaman ang katotohanan sa mga reklamo at alamin mula sa kanila ang kinakailangan pa nilang assistance mula sa kagawaran. Mula dito ay nagbuo kami ng research team na pinangunahan ni DSWD Assistant Secretary Aleli Bawagan upang alamin ang naging kondukta ng DSWD sa proseso ng recovery at rehabilitation programs para sa mga survivors ng Yolanda. Inipon ang mga datos at sinuri ang antas na inabot ng mga proyekto para sa mga apektadong komunidad, kabilang na ang mga kaso ng mga hindi pa nakatatanggap ng ESA o Emergency Shelter Assistance.
Pangunahing pinagtuunan ng pagsusuri ang Region 6 at 8, ang dalawang rehiyong nakatanggap ng pinakamalaking pondo mula sa mga donasyon.
Hindi ko balak ilahad ang buong ulat ng aming research team subalit makatutulong sa kumperensyang ito ang banggitin ang ilan sa aming nasiyasat.
SHELTERS
Ilan sa mga nasuri ay ang pagkaantala ng mga proyektong pabahay.
Marami sa mga loteng inilaan para pagtayuan ng mga core shelter project sa Guiuan Eastern Samar ang hindi napangyari. Naabutan pa ng aming research team ang pagdemolish ng LGU sa mga transition houses sa Brgy. Cogon upang tayuan ng core shelter. Masaklap na karanasan ito para sa mga survivors lalo’t wala naman ibang bahay na matitirahan ang mga nasa transition houses habang ginagawa ang mga core shelters.
Ang kahalagahan ng Transition Shelters ay para sa kagyat na matitirahan ng mga nawalan ng bahay bunga ng bagyong Yolanda. Pero batay sa validation report nito lamang Setyembre 2016, makalipas ang dalawang taon mula nang simulan ang proyekto, 1,410 units o 57% pa lang ng target ang nakukumpleto. Ang International Organization of Migrants o IOM ang siyang nakakuha sa P189M proyekto para magtayo ng 2,480 na transition shelters at timber houses sa Leyte, Eastern at Western Samar mula Agosto 1, 2014, hanggang Disyembre 2016.
Kaugnay naman ng mga Core Shelters, batay sa ulat noong Agosto 16, 2016: sa target na 3,112 na unit, 32.68% pa lang ang nasa kategoryang completed, habang 62% ng Core Shelter ang nasa kategoryang not yet started o hindi pa nasisimulan, habang 5.14% ang ongoing. Ayon sa aming research team, ibinibilang na sa kategoryang ongoing ang pagdeliber ng mga materyales sa site at pag-aayos ng partition ng mga unit para masimulan ang aktwal na konstruksyon.
Nakatawag rin sa aming pansin ang proyektong boat garage sa Guiuan Eastern Samar na una nang naiulat na may 85% na ang completion, ngunit sa aktwal ay wala pang 20% ng proyekto ang nakumpleto.
ESA o Emergency Shelter Program
Batay sa proposal na isinumite ng DSWD para sa Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR), makikita na sa lawak ng pinsalang idinulot ng Yolanda, ang pondo ng DSWD ay hindi sumapat para tugunan ang pangangailangang pabahay ng mga survivor.
Table 6: Budget and Accomplishment for ESA (from reportof DReAMB)
Target submitted to OPARR |
Accomplishment, as of August 15, 2016 |
|||
No. of HHs | Amount | No. of HHs | Amount | |
Partial Damage (P10,000) | 517,214 | ₱ 5,172,140,000.00 | 667,429 | ₱ 6,674,290,000.00 |
Total Damage (P30,000) | 449,127 | ₱ 13,473,810,000.00 | 468,528 | ₱ 14,055,840,000.00 |
Total | ₱ 18,645,950,000.00 | ₱ 20,730,130,000.00 | ||
Releases from DBM for this expense item | ₱ 20,010,650,000.00 |
Sa pagitan ng panahon ng pagpasa ng DSWD sa proposal hanggang sa pag-release ng pondo para sa ESA, Nobyembre 21, 2014, inilabas ng DSWD ang MC 24. Ayon sa aming mga field offices, hindi sila kinonsulta bago ito inilabas.
Ang MC 24 ang sinasabing naging instrumento para maalis sa maraming survivor ang karapatang makatanggap ng ESA. Ayon sa MC 24 diskwalipikadong makatanggap ng ESA ang mga indibidwal na:
- Nakatira sa mga danger zones o ‘no build zone.’
- Kumikita ng higit sa P15,000 kada buwan.
- Nauna nang nabigyan ng shelter assistance mula sa mga NGO.
Sa pag-angkop sa inilabas na memo circular, nirebisa ang orihinal na listahan ng mga benepisyaryo na una nang isinumite sa OPARR. Dito na naganap ang maramihang ekslusyon. Nagalit ang marami sapagkat maraming survivors at nangangailangan ang natanggal sa listahan. Kabilang dito ang mga mangingisdang nakatira sa tabing dagat na itinuturing na ‘danger zone’ at mga magsasaka mula sa malalayong sityo na labas sa 50 km radius ng Yolanda.
Mahigit isang milyong pamilya ang nabigyan ng ESA ngunit sa kabila nito, marami pa rin sa mga survivor ng Yolanda ang hindi nakatanggap.
Isang matingkad na halimbawa nito ang paghingi ng 83,228 na pamilya sa Region 6 ng 1.17B sa DBM para sa kanilang ESA. Malinaw na kabilang sila sa mga nasiraan/nawasak ang tahanan dahil sa bagyong Yolanda pero walang natanggap na ESA. Nakalulungkot subalit hindi napahintulutan ng DBM ang kanilang kahilingan.
Libu-libong sulat ng reklamo kaugnay ng ESA ang natanggap ng aming research team. Nasa opisina pa hanggang ngayon ang karton ng mga sulat na ito. Ilan sa mga pinagmumulan ng reklamo hinggil sa ESA ang:
- ang tila arbitraryong kapangyarihan ng barangay chair at iba pang opisyal sa pagtukoy ng mga ESA beneficiaries. Maging ang pagtukoy sa partially at totally damaged ay maluwag na natatakda ng mga opisyal sa barangay.
- Mga benepisyaryong may totally damaged (P30,000) homes na nakatanggap lamang ng halagang para sa partially damaged homes(P10,000).
- Iba’t-ibang interpretasyon ng mga LGU sa ‘danger zone.’ Marami ang nahadlangang makatanggap ng ESA dahil dito kahit pa wala namang malinaw na issuance na ang kanilang komunidad nga ay kabilang sa danger zone.
- Isang dating mayor sa Balangiga ang nagsauli ng pondo para sa ESA imbis na ipamahagi sa mga survivor. Ang mayor na nababanggit, matapos matalo sa eleksyon 2016, ay ibinalik sa DSWD Field Office ang P14,610,000 pondong laan para sa ESA kahit hindi pa natatapos ang pamamahagi nito. Nang amin itong alamin, naisauli na ang pondo sa National Treasury.
- Pagtanggal bilang benepisyaryo ng mga pamilyang nakatira sa labas ng 50 km radius ng Yolanda.
Hindi na rin angkop na tawaging emergency shelter assistance ang ESA dahil inabot ng higit isang taon bago nasimulan ang pamamahagi nito. Dahil sa pagkaantalang ito, hindi iilan ang nagipit at napilitang magbenta ng kanilang ESA sa mga ‘buyer.’ Ang P10,000 para sa partially damaged ay binibili ng P8,000 na lang at ang ESA para sa totally damaged na P30,000 at binibili ng P20,000 na lang. Isa lamang ito sa mga bulnerabilidad na ibinunga ng pagkaantala ng tulong para sa kanila.
Ayon pa sa aming mga nakausap mula sa mga field offices ng DSWD, kung AO17 lamang ang ginamit imbes na MC 24, matagal na sanang natapos ang pamamahagi ng ESA. Sa ngayon, P35,166,640.42 na lang ang natitirang balanse mula sa mga cash donation at P10.7M na lang sa pondo ng FO 8 ang maaring magamit sa ESA. Napakaliit na halaga nito kahit para man lang sa mga survivors ng Region 6 na hindi pa nakatanggap ng ESA.
Ating Pagsulong
Sa ating pagbabalik-tanaw, hangad natin alamin ang katotohanan, at mula dito ay hanguin ang mga aral mula sa karanasan para maiwasang maulit ang mga problemang sumulpot sa proseso ng relief distribution, rehabilitation at recovery ng mga apektadong komunidad. Nais rin nating mas paghusayin ang ating proseso at patakaran para mas mahusay at maagap tayong makatugon sa panahon ng kalamidad hanggang sa rekoberi at rehabilitasyon ng mga komunidad na apektado.
Mula sa aming pagsisyasat, nabuo ang ilang rekomendasyon at ang ilan dito ay ang:
- Pagbalangkas ng bagong gabay sa pamamahagi ng ESA; Mahalagang konsultahin ang lahat ng stakeholders dito. Isabay na rin ang pagbuo ng gabay sa pagtukoy sa partially at totally damaged homes.
- Repasuhin ang gabay sa core shelter programs. Mahalagang siguruhin ng LGU ang loteng pagtatayuan ng mga shelter bago pa i-download ang pondo.
- Repasuhin ang mga documentary requirements kaugnay ng mga umiiral na polisiya sa mga programa sa kalamidad at lagumin ang kahalagahan ng mga ito.
- Repasuhin ang guidelines o gabay hinggil sa pag-apruba ng mga proyekto sa mga organisasyong may pananagutan pa sa DSWD.
- Repasuhin ang gabay na mag-oobliga sa LGU na magliquidate ng mga pondong mula sa DSWD.
- Paghusayin ang technical assistance at pagmonitor ng mga FOs sa mga LGU na tumanggap ng pondo sa DSWD.
- Para sa ilang rehiyon: magpakilos ng mga Quick Reaction Team at maging maagap sa paghingi ng tulong sa central office kung kinakailangan.
- Maging mas agresibo sa pagmonitor ng mga CSA/MSA programs para masiguro ang maagap na pagkumpleto sa mga core shelter units at masiguro ang maayos na paggamit sa pondo.
Sa lawak at lalim ng pakikisangkot ng NCCP at ACT Alliance sa recovery at rehabilitation ng mga komunidad na sinalanta ng bagyong Yolanda, walang dudang malaki ang maitutulong ninyo sa paghango ng mga aral at pagrekomenda ng mga proseso at alituntunin sa pagharap sa mga kalamidad gaya ng Yolanda.
Ipagpatuloy ninyo ang pagsunod sa halimbawa ni Kristo na maglingkod sa masa sapagkat marami kayong natutulungan at nabibigyang pag-asa na mga kababayan.
Hanggang sa muli, paglingkuran ang sambayanan! IPagpatuloy natin ang maagap at mapagkalingang serbisyo sa mamamayan, ang pantay na pagtrato sa mga komunidad, at ang malasakit lalo na sa mga mahihirap. Gikan sa masa, para sa masa.
Mabuhay kayong lahat! Salamat at muli, magandang umaga. #