New Year Flag Raising Ceremony
Secretary Judy M. Taguiwalo
January 3, 2017
Happy New Year sa inyong lahat!
Kumusta ang inyong mga bakasyon? Sana ay naging masaya at makabuluhan ang inyong mga naging pagtitipon kasama ang inyong mga pamilya at iba pang mga mahal sa buhay.
Pero kagaya na rin ng nasabi ko sa mga kaibigan natin sa media, talagang napagtanto mo na kapag sa DSWD ka nagtatrabaho, wala talagang pahinga at kahit Pasko, kailangang naka-standby tayo at handang magbigay serbisyo sa publiko sa pinakamaliit na banta ng peligro. At ito nga ang nangyari ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ang DREAMB, NROC, mga Field Offices na nagbantay, mahigpit na umalalay sa mga LGU, at agad na tumugon sa mga nasalanta ng Bagyong Nina. Hanggang ngayon patuloy pa rin ang pag abot natin sa mga nasalanta ng Bagyong Nina para sa pag bigay ng ESA. Umiikot tayo at patuloy ang mahigpit na koordinasyon sa mga LGU at iba pang ahensya ng ating pamahalaan para alamin at bigyang tugon ang mga panawagan ng ating mga kababayang apektado ng Bagyong Nina.
Hindi lang ito ang ating mga ginawa dahil ang ating mga Field Office ay tuloy-tuloy din ang trabaho para makatulong sa mga nangangailangan ngayong Kapaskuhan. Halimbawa, ang FO NCR ay nagbigay saklolo sa mga nasunugan sa NIA Road, Quezon City noong Dec. 23. Ang FO Region VIII naman ay tumulong sa mga biktima ng pagsabog sa Hilongos, Leyte. Nagbigay din tayo ng kaunting salo-salo para sa streetchildren, street families at mga maralitang lungsod noong Dec. 28. Noong Dec. 29, nakiisa naman ang ilang kawani natin sa isang excursion ng mga batang Dumagat at kanilang mga pamilya sa Luneta. Lumuwas ang mga Dumagat mula pa sa Sierra Madre at sinamahan ng isang katuwang natin na CSO na makapasyal sa ilang lugar sa Kamaynilaan.
Mabilis dumaan ang mga araw at heto, 2017 na! Siyempre, panahon ngayon ng mga New Year’s resolution. Mayroon ba kayong listahan ng inyong mga New Year’s resolution? Ang New Year’s resolution ko kasi ay hugot mula sa pelikulang Die Beautiful ni Paolo Ballesteros sa MMFF. Tanong ni Trisha (karakter ni Paolo Ballesteros), “Ano ang nauna, ang itlog o ang manok?”
Dapat ganito ang sagot: ANG DSWD!
Nung nakaraang lingo, di pa nga, nagpa-lugaw tayo sa Maynila. Siyempre sahog ng lugaw ay itlog at manok.
Yan ang sentro ng aking New Year’s resolution para sa ating lahat – ang pagiging maagap ng DSWD. Ang mga serbisyo kasi natin, kailangang laging maagap, laging kagyat, pang-tawid, para sa ngayon at ngayon na. Gamot ng maysakit para sa ngayon. Pagkain ng bata para sa ngayon. Relief goods para sa ngayon. Tulong pinansyal para sa nawalan ng tirahan o pamasahe para sa ngayon.
Nakita na ng mga mamamayang Pilipino kung paano ang maagap at mapagkalingang serbisyo ng DSWD. Sa tingin ko, at alam kong kayo ay may ganitong tingin din, na mas mataas na ang expectation nila sa atin ngayon. Napatunayan nating kaya ng isang ahensya ng gobyerno na maging mabilis sa pagtugon at magpakita ng malasakit sa mga nangangailangan at mahihirap. Lalo na sa mahihirap.
At ngayong 2017, performance level na tayo dapat palagi. We’re only as good as our last performance. At ang ating performance ay makikitang maayos at maganda sa dami ng bilang ng mga kapwa nating Pilipino na ating natutulungan at napaglilingkuran.
Kaya naman excited tayo sa bagong taon. Bagong taon ito na ipamalas ang ating kagalingan at pagkalinga sa mamamayan. Sana ay buhayin natin sa ating puso, isip, at diwa ang pagmamahal sa ating propesyon at trabaho; alalahanin natin sa araw-araw na tayo ay nasa DSWD para maglingkod at maglingkod ng tapat. Alam kong napakaraming hamon at problema ang ating kinaharap noong 2016 at marami pang haharapin ngayong 2017, ngunit kung magkakaisa tayo, magtutulungan, at hindi bibitiw sa ating mga tungkuling maglingkod habang naggigiit ng ating mga karapatan, ay marami tayong mapagtatagumpayan.
Mabuhay ang mga kawani ng DSWD! Mabuhay ang DSWD!