Talumpati ni DSWD Sec. Judy M. Taguiwalo
Pagpupugay at Pagpapaalaala
Iskolar ng Bayan:Manindigan para sa Katotohanan,Karapatan at Katarungan
Mensahe sa Araw ng Pagkilala ng Magsisipagtapos sa 2017
Kolehiyo ng Arte at mga Agham
Unibersidad ng Pilipinas Manila
20 Hunyo 2017
Mabunying araw ng pagkilala sa inyo, mga mahal na magsisipagtapos sa 2017!
Maalab na congratulations sa mga magulang, mga kapatid, kasintahan, kabiyak at iba pang mahal sa buhay ng ating mga magsisipagtapos.
Pagpupugay din sa mga kaguruan, REPS at kawani ng CAS ng UP Manila na gumampan ng mahalagang papel sa buhay at pag-aaral ng mga estudyante nitong nakaraang apat na taon o higit pa.
Bilang paghahanda sa paggawa ng aking mensahe sa inyo, binalikan ko ang aking mensahe noong Hunyo 16, 2009 sa mga bagong Iskolar ng Bayan ng UP Manila sa Welcome Ceremonies sa kanila.
Napangiti ako dahil nagawa ko na ang pamagat ng aking mensahe sa inyo ngayon, at nadiskubre ko na ganito rin ang pamagat ng mensahe ko sa 2009 Freshies ng UP Manila.
Pero pamagat lang marahil ang pareho dahil sa maraming pagkakaiba:
1) Siyempre, hindi na kayo mga hilaw na bagong salta sa UP life. Survivors kayo ng masalimuot at hindi madaling paglalakbay tungo sa UP diploma!
2) Bago na ang academic calendar, kaya ang buwan ng Hunyo ay hindi buwan ng pag-sisimula ng academic year kundi pagtatapos nito.
3) Noong 2009, Faculty Regent ang inyong likod at kauumpisa pa lamang ng dalawang-taong termino. Wala pa akong senior citizen card noon. Ngayon retirado na ako sa UP pero mag-iisang taon sa bagong gawain bilang Secretary ng Department of Social Welfare and Development.
Nagkagayunman, ang mensahe ko noong 2009 ay may resonance pa rin ngayong 2017.
Noon, binanggit ko ang apat na malalaking kontradiksyon na mahalagang tingnan ng isang nag-uumpisang mag-aral sa UP.
Unang kontradiksyon: Napakayaman ng Pilipinas, pero mahirap ang nakararami sa ating kababayan!
Ikalawang kontradiksyon: Ang katangian ng UP bilang isang pampublikong institusyon, pero palaki nang palaki ang pag-asa nito sa pribadong kita. Naryan na rin ang pribatisasyon ng mga lupain nito sa isang banda, at ang lumalaking bayarin ng mga estudyante sa kabila. Partikular sa kaso ng PGH, tumataas naman ang bayarin ng mga pasyente.
Mayroon nang Henry Sy building ngayon sa UP Global City. May UP Town na sa dating UP Integrated School grounds.
Ikatlong kontradiksyon: Ang tindig ng unibersidad sa pagiging makabayan sa isang banda; at ang palakas na palakas na pagbibigay diin nito sa global competitiveness at global standards
Ikaapat na kontradiksyon: ang demokratiko at “participatory”governance na nasa UP Charter at ang aktwal na praktika ng pamamahala nito.
Siyempre, hindi kayo ang 2009 freshie na kausap ko noon. May sarili kayong mga paglalakbay at mga karanasan, at kayo ang nasa posisyon para magsabi kung ano ang mga katotohanan ang inyong natuklasan, nasaksihan at sinikap ninyong baguhin habang nasa UP kayo.
Pansinin na ang tawag sa mga taga UP ay Iskolar NG bayan hindi Iskolar PARA sa bayan. Mahalagang pagkakaiba ito dahil tayo ay Scholars OF the People. Saklaw nito ang Iskolar NG bayan, na bahagi tayo ng bayan. Pinaaral tayo ng bayan at dapat lamang paglingkuran natin sila! Ito ang katangian ng public education. The accountability is to the people, not just to our parents or to our private benefactors , but to the nation who awaits our service to its communities and its people.
Ito ang pinakamahalagang paninindigan natin bilang Iskolar ng Bayan. Paglingkuran ang mamamayan.
Serve the people! Paano? Saan? Hanggang Kailan?
Kayo ang makakasagot ng mga tanong na iyan. Nagtitiwala ako na natutunan ninyo sa loob o labas man ng mga klasrum ng Rizal Hall na ang malawak na kahirapan at kakulangan ng oportunidad ng nakararami sa ating bayan ay may pinag-uugatan.
Na katotohanan ang problema ng dayuhang control sa ating lipunan sa lawak ng pag-aari nila sa negosyo, pinansiya, lupain at mga di-pantay na tratado.
Na katotohanan na ang problema ng lupa na mahusay na sinalarawan ni Jose Rizal sa kwento ni Kabesang Tales, Huli, at iba pa sa kanyang mga aklat ay patuloy na nabubuhay sa sitwasyon ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita, Pico de Loro at sa Mindanao bilang ilang mga halimbawa.
Na katotohanan ang problema ng katiwalian sa pamahalaan. Ang isyu ng pork barrel at ang mga katulad ni Janet Napoles na may bathtub na kayang punuin ng pera ng mamamayan ay isang sintomas lamang ng problema ng pamamahala at katiwalian.
Hindi mapapasubalian na nagsasanga ang mga problemang ito, at napakarami nating mababanggit sa araw-araw na buhay natin: ang laganap na kontraktwalisasyon at kawalan ng trabaho; ang taas ng drop out rates; ang dami ng streetchildren; ang problema sa pabahay; ang daming namamatay sa mga sakit na kayang gamutin pero dahil walang akses ang mamamayan sa sapat na serbisyong medikal; ang gera sa Mindanao at sa ibang parte ng Pilipinas; ang laganap na problema ng paglaganap din ng bawal na gamot; ang extra-judicial killings; ang batas militar ngayon sa Mindanao; at marami pang iba.
Fight or flight? Hararapin baa ng mga suliraning ito bilang mga mabuting iskolar ng bayan, o tatakasan? Linawin natin na ang pagtakas ay hindi equivalent sa pangi-ngibang bansa, kundi ang paging bulag sa realidad ng ating bayan.
Alam niyo na kung ano ang hinahangad naming mga guro ninyo, mga kapwa iskolar ng bayan ninyo, na maging sagot ninyo.
Fight or flight? “Iskolar ng Bayan:Manindigan para sa Katotohanan,Karapatan at Katarungan”
Maaring tahakin ninyo ang landas tulad ng mga nagsipag-tapos sa UP na nagsilbi ng buong panahon sa mahihirap na mga komunidad bilang mga development workers at mga organisador. Meron ding naging istap ng mga progresibong mambabatas at mga ahensiya ng gobyerno na may malinaw na record laban sa katiwalian at para sa bayan.
Maari rin kayong maging guro sa unibersidad man o sa basic education institutions na tumutulong sa paglinang ng kamulatan at kakayahan ng ating mga kabataan na isipin ang nakararami hindi lamang ang sarili.
Anu’t ano pa man, laging tandaan na bilang mga iskolar ng bayan mula sa Unibersidad ng PIlipinas, may obligasyon tayo sa bayan. Na ang anumang karangalang akademikong ating natamo kabilang na an gating mga diploma at mga latin honors ay walang katuturan kung hindi ito nakakawing sa paglilingkod sa bayan.
Bilang pangwakas, nais kong ibahagi ang paborito kong pangungusap kaugnay ng kabataan.
Sa inyo ang daigdig, at sa amin din. Ngunit sa huling pagtatasa, ito’y sa inyo. Kayong kabataang lubos ang sigasig at lakas, namumukadkad ang buhay, tulad ng araw sa ika-walo o ika-siyam ng umaga. Nasa inyo ang aming pag-asa. Sa inyo ang dagidig. Sa inyo ang kinabukasan ng ating bayan.
Humayo’t itanghal, giting at tapang!
Mabuhay mga iskolar ng bayan!
Serve the people wholly and entirely!