Secretary’s Corner

Pahayag ni DSWD Secretary Virginia Orogo hinggil sa pagpapatupad ng UCT

(Delivered during the 2nd Press Briefing on Economic Reforms, June 27, 2018, 11:00 am Malacañang)

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law, tungkulin namin sa DSWD na tiyakin na ang kapakanan ng ating mga mamayan ay mangibabaw. Kung kaya’t  gagawin namin ang lahat upang maibigay ang kaukulang mga benebisyo tulad ng Unconditional Cash Transfer grant sa lalong madaling panahon.

Ang UCT ay ayuda mula sa gobyerno para sa mga mahihirap na maapektuhan ng mga pagbabago na dulot ng TRAIN law, isa na rito ang inaasahang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Lilinawin ko lang po na hindi nito layunin na matugunan ang pangkalahatang pangangailangan ng mahihirap nating mga kababayan. Ito po ay para lamang tugunan ang kasalukuyang kalagayan ng mahihirap.  Ngayong taon, tatanggap ang mga benepisyaryo ng UCT ng P200 kada buwan o P2,400 sa isang taon. Para sa taong 2019 at 2020 naman, tatanggap sila ng P300 kada buwan o may kabuuang P3,600 sa isang taon.

Pamamahagi ng UCT

Mayroong sampung milyong target na benepisyaryo ang UCT.

Kabilang po rito ang 4.4 milyon na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, 3.0 milyon na mahihirap na senior citizen na benepisyaryo ng programang Social Pension ng DSWD, at 2.6 milyon na mahihirap na pamilya base sa Listahanan 2015.

Sa kasalukuyan ay naipamahagi na ng DSWD ang P10,086,230,400 halaga ng UCT grant sa mga benepisyaryo ng Pantawid. Matatapos po ang pamimigay ng UCT grants sa ating 4.4 milyong 4Ps beneficiaries sa katapusan ng buwan ng Hulyo.

Kasabay nito ay ipinamimigay na rin po natin ang UCT grants sa ating mga mahihirap na senior citizens. Nauna ang senior citizens mula sa San Fernando City sa Pampanga na nakatanggap ng kanilang UCT grant na nagkakahalaga ng P2,400. At tuloy-tuloy na po ang ating pamamahagi ng UCT grants para sa mga benepisyaryo ng SocPen sa iba’t-ibang rehiyon sa pamamagitan po ng ating mga field offices.

Para po sa ating tatlong milyong social pension beneficiaries, target ng DSWD na matapos ang pamimigay ng UCT grants sa katapusan din ng Hulyo.

Para naman po sa 2.6 milyong benepisyaryo ng Listahanan, sisimulan na din natin ang pamimigay tulong sa kanila sa susunod na buwan.  Ang Listahanan ay isang programa ng DSWD na naglalayong kilalanin at alamin kung nasaan ang mga mahihirap nating mga kababayan. Ang Listahanan po ay isinasagawa tuwing ika-apat na taon, ang pinakahuling Listahanan ay ginawa nuong 2015.

Nakatakdang mag-isyu ang Land Bank of the Philippines ng mga cash cards para sa sampung milyong benepisyaryo bago matapos ang taong ito upang mas maging maayos at mapadali ang pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong.

Layunin ng gobyerno na mas mapadali ang proseso ng pay out para sa mga benepisyaryo ng UCT kaya kasalukuyan na pong pinoproseso sa buong bansa ang validation, updating, pagrerehisto, at enrolment ng mga benepisyaryo na wala pang cash cards sa Land Bank.

UCT grant ng maralitang nakatatanda

Gusto ko rin pong ipaliwanag na ang DSWD ay may programa para sa maralitang senior citizens na tinatawag po nating Social Pension.

Ang Social Pension po ay isang programa ng DSWD na nagbibigay ng P500 kada buwan sa mga mahihirap na senior citizens na mahihina na, may karamdaman, o may kapansanan, walang regular na kita o suporta sa pamilya; at walang pension na nakukuha mula sa gobyerno o pribadong institusyon. Sila po ang nangangailangan ng dagdag na tulong mula sa TRAIN kaya kasama po sila sa makakatanggap ng UCT.

Gusto man po natin na bigyan ng tulong ang lahat ng ating mga senior citizens sa buong Pilipinas, ang atin pong prioridad sa UCT ay bigyan muna ang mga mahihirap nating mga nakatatanda na walang kinikita, suporta sa pamilya o walang pension na nakukuha.

Sana po maintindihan kami dahil hindi naman po kaya ng ating gobyerno na bigyan lahat. Ibinibigay po natin ang tulong na ito doon sa talagang nangangailangan.

Tulong pambili ng gamot at pagkain

Alam naman po namin na hindi kalakihang halaga ang UCT subsidy na ito, pero napakasarap po na malaman na ang ayuda na naipapamahagi ng gobyerno ay nakakatulong sa ating mga kababayang nakatanggap nito, lalo na sa ating mga nakatatanda.

Isa po sa aming nakapanayam  si Nanay Gabriela Sanchez, 84 taong gulang, nang matanggap nya ang kanyang UCT grant. Ayon kay Nanay Gabriela, masayang-masaya siya dahil makakatulong ang UCT sa pambili ng kanyang pagkain, gamot, at pampa-ospital.

video of Nanay Gabriela Sanchez (00:56)

https://www.youtube.com/watch?v=nk1gKZq392M

UCT grant ng mahihirap na pamilya ng Listahanan

Sa kasalukuyan po ay sabay nating ginagawa ang validation para sa natitirang 2.6 milyon na mahihirap na pamilya na benepisyaryo ng UCT. Sila ay galing sa Listahanan database ng DSWD. Mayroon na po tayong 2,564,561 na pamilya na na-validate na o 93.6 percent ng total na bilang. Kailangan po silang i-validate para masiguro kung may pagbabago ba sa kanilang lugar na tinitirhan o kung nagbago na ba ang kanilang kabuhayan. Magsisimula po kaming magbigay ng tulong sa 600,000 bilang ng Listahanan households sa mga susunod na buwan.

Dahil dito, inaasahan po namin na sa katapusan ng Hulyo, walong milyon mula sa sampung milyong target na UCT beneficiaries ay atin nang nabigyan ng tulong.

Kami po sa DSWD ay isinasaayos at pinalalakas ang ating mga programa para sa mga mahihirap. Tuloy-tuloy po ang pag-aaral namin kung paano mas makakapag-bigay ng tulong sa mga nangangailangan. Marami po ang nagsasabi na hindi sapat ang tulong na ito para ipantapat sa pagtaas ng presyo ng mga pangakaraniwang bilihin, subalit dapat po nating unawain na ang kasalukuyang pagtaas ng presyo ay dulot ng napakaraming bagay at ang TRAIN ay may napakaliit lamang na bahagi sa pagtaas ng mga presyo nito.

Sa ngayon, ang UCT ay antabay sa kapakanan ng mga mahihirap. Uulitin ko lamang po na hindi ito para sagutin ang lahat ng kanilang pangangailangan. Ito po ay una pa lamang na hakbang. May mga programa pa na tatakbo para siguraduhin na lahat ng mamamayan ay gumanda ang buhay.

Kami, kasama ang Office of the Cabinet Secretary, DoF at DILG ay magtutulungan para maihatid sa inyo ang tulong ng mas maaga, may kalinga at pagmamahal. ###

Acting Secretary Virginia Orogo

Contact Me

https://www.dswd.gov.ph

931-7916 | 931-81-01 to 07 loc. 301-302
mobile: 0926-981-5350

osec@dswd.gov.ph

<!– Facebook –>

<!– End –>