Tulong hanggang full recovery ng mga nasunugan sa Tondo, tiniyak ng DSWD
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makakatanggap ng suporta mula sa ahensya ang mga residenteng nasunugan sa Barangay 105 sa Tondo, Manila kamakailan.
Ayon kay DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose Cajipe, nakaalalay ang ahensya sa ano mang tulong na maaaring ipaabot sa mga pamilyang nasunugan sa Tondo, Manila hanggang sa ang mga ito ay makabalik sa normal na pamumuhay.
“Ibinibilin po palagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na kung tutulong ang DSWD…dapat yung talagang nararamdaman. Kung ang family food packs po ay makakatulong, iyon po ang ibinibigay namin. Kung kailangan po ng second or third round , after the assessment, gagawin po natin yan,” sabi ni DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose Cajipe sa ginanap na payout activity nitong Lunes (September 30).
May kabuuang 2,006 fire-affected households ang nakatanggap ng Emergency Cash Transfer (ECT) assistance na nagkakahalaga ng Php10,140 bawat isa.
Ang ECT payout ay ginanap sa Vicente Lim Elementary School Tondo, Manila.
Kabilang sa namahala ng ECT payout ay sina DSWD Field Office-National Capital Region Asst. Regional Director Bienvenido Barbosa Jr., Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo Nieto, at Councilor Marjun Isidro.
Ayon kay Jocelyn Mallari, isa sa mga ECT recipients, gagamitin nya ang cash assistance na natanggap sa pagpapatayo muli ng kanilang bahay.
“Nagpapasalamat po kami sa DSWD dahil kailangan po namin ng yero at hollow blocks,” sabi ni Mallari.
Ang isa pang benefiaciary na si Rey Cervantes Jr., ang nagsabing tanggap na nya na hindi na muling babalik sa dati ang mga nasunog nilang gamit, kaya naman “Ang nakuha kong ayuda ngayon ay gagamitin ko sa nasunog kong bahay at sa pagpapaayos ng sasakyan ko na nadamay. Masakit po sa akin pero wala tayong magagawa kasi sa kaganapan sa kalikasan. Nagpapasalamat po ako sa DSWD dahil malaking tulong ito para sa akin,” sabi nya.
Ang ECT ay isang adaptive strategy na nagbibigay ng dagliang disaster relief, humanitarian response, at early recovery support sa pamamagitan ng outright cash aid para sa mga disaster-affected families .#