Nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng isang “Program Implementation and Operational Planning Workshop” noong Disyembre 2-6, 2024 upang pagplanuhan ang mas mahusay na pagbabahagi ng tulong sa nangangailangan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ang AICS ay ang programa ng DSWD na madalas nagiging sandigan ng indibidwal at pamilya na nakararanas ng matinding krisis o pangangailangan.
Pinanguhan ni DSWD Operations Cluster Undersecretary Pinky Romualdez na nagpahatid ng taos-pusong pasasalamat sa mga kawani ng programa para sa kanilang dedikasyon at walang sawang paglilingkod.
Dagdag nito, binigyang-diin ni Usec. Romualdez ang kahalagahan ng AICS program bilang instrumento upang tulungan ang mga kababayang nasa krisis sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal, medikal, psychosocial, referral, burial, at iba pa.
Ayon pa sa opisyal ng DSWD, “ang pagkakaisa at sama-samang pagsusumikap ng lahat ng sangay ay susi upang matupad ang layunin ng programa na makapagbigay ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng mga nangangailangan.”
Ang patuloy na pagpaplano at pagsaliksik ng mas mahusay na paraan ng implementasyon ng programa ay alinsunod sa direktiba ni Secretary Rex Gatchalian na tiyakin ang pagbibigay ng maayos, naaayon at mapagkalingang serbisyo sa publiko, lalong-lalo na sa mga bulnerable at nangangailangang sektor.
Dinaluhan ang nasabing workshop ng mga assistant regional directors, division chiefs, crisis intervention section heads, at mga technical staff mula sa 16 Field Offices.
Sa pamamagitan ng gawaing ito, tinukoy at tinalakay ang mga estratehiya, natatanging gawain, at pinakamahusay na inisyatibo (o good practices) upang mapabuti ang pagbibigay-serbisyo sa mga kababayan na nasa krisis.
Binibigyang-diin din dito ang layuning gawing mas mabisa, epektibo, at puspos ng malasakit ang implementasyon ng programa.
Sa ganitong paraan, masisiguro na ang implementasyon ng programang AICS ay mananatiling isang mahalagang katuwang ng bawat Pilipino na nangangailangan ng tulong sa panahon ng krisis.
Kabilang din sa mga lumahok at nagbigay direksyon sa nasabing gawain sina Assistant Secretary for Statutory Programs Ada Colico, Director III ng Operations Cluster Atty. Kevin Evangelista, at ang buong technical team ng PMB-CID sa pangunguna ni Director III at Concurrent Division Chief Edwin Morata.# (GDVF)