Paiigtingin pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paggamit ng teknolohiya upang mapabilis ang pagbibigay suporta at serbisyo sa mga Pilipinong may kinakaharap na krisis sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.

Isa ito sa mga napagkasunduan sa Program Implementation Review (PIR) ng AICS nitong Oktubre 21-25, 2024.

Pinangunahan at dinaluhan ito ng mga personnel ng Program Management Bureau-Crisis Intervention Division (PMB-CID) mula sa DSWD Central office at field offices.

Bandera ang temang “AICS Year-End PIR: An Odyssey of Overcoming Challenging Adversities towards Resiliency,” binigyang-diin ng PIR ang kahalagahan ng inobasyon at modernisasyon upang gawing mas mabilis, episyente, at transparent ang proseso ng pagtulong sa mga nangangailangan.

Partikular na napagkasunduan ang paggamit ng hybrid automation at digitalization sa mga proseso ng Crisis Intervention Unit (CIU) o CID sa 2025.

Tinalakay din sa naturang PIR ang mga natatanging tagumpay ng DSWD sa taong 2024, kabilang ang paglulunsad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Naging malaking tulong ito sa mga pamilyang mababa ang kita sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng inflation.

Ayon pa sa CIU, sisikapin nito na sa taong 2025 ay mas marami pang Pilipino ang matulungan ng DSWD sa pamamagitan ng AICS at AKAP.

Nitong 2024, pumalo sa higit na 7 milyon na Pilipino ang napaabutan ng tulong sa ilalim ng AICS, habang nasa 5 milyon na low-income earners naman ang nabigyan ng AKAP assistance.# (LSJ)